Saturday, 16 April 2011

Cry Of A Child

“Mas madaling maghilom ang sugat sa balat totoo iyon, meron kasing mga cells na tumutulong para magsara ito at gumaling. May mga gamot din na pwedeng makatulong para hindi na ito lumala. Pero iba ang sugat sa puso. Wala mang marka o pagdurugong makikita, kahit na inakala mong magaling na, hindi mo alam meron pa pala..."


Matagal ko ng plano na isulat ang blog na ito. Pero nag-aalala ako. Baka kasi hindi maging patas ang opinyong ilalahad ko dito. Pero nakapagdesisyon na ako. Hindi dapat itinatago ang ideyang ito. Malay ko ba. Baka makaimpluwensya 'to sa iba.

Narinig ko na naman si Faith na umiiyak kanina. Malamang pinalo na naman iyon ng papa nya, ng papa nya na wala ng ibang ginawa, oras-oras na lang pinapagalitan ang mga anak. Naiinis ako! Paulit-ulit na ako sa pagsasabi na hindi magandang parating pinapagalitan ang isang bata. Dahil iba ang nagiging epekto nito sa kanya. Alam ko dahil napagdaanan ko.

Lumaki din ako sa palo, sinturon, patpat, tubo, pamaypay, kamay, payong, lahat na ng maisip mong pwedeng ipangpalo natikman ko ang hagupit nun. Sa puwet, sa kamay, hita, o sige buong katawan na. Kaunting kibot, kaunting pagkakamali mapapagalitan ka na parang wala ka ng tamang ginawa. Hanggang ngayon naaalala ko pa ang sa umpisa ay lima na madadagdagan ng lima pang palo sa bawat pagkakamali. Kaya bawal magkamali kung ayaw mong masaktan. Tumahimik ka lang sa isang tabi at sundin ang sinasabi nila dahil matanda sila at BATA KA. KAPAG LUMABAN KA TALO KA DAHIL MAS MALAKI SILA. Hindi ko sinasabing tama ang lumaban sa matatanda ang sinasabi ko lang minsan wala naman talagang pagkakamali, bakit may parusa at bakit hindi ka makaalma? 

Hindi aral ang itinuturo ng pamalo sa mga bata bagkus TAKOT AT LUNGKOT ANG INIIWAN NITONG MARKA. Hindi ba iyon naiisip ng ibang mga magulang? Para saan pa at ginawa ang salita kung ang parati nilang ihaharap ay mga kahoy at pamalo na ang sarap ihampas sa kanila ng matauhan sila! Pwede namang daanin ang lahat sa salita. Mababaw pa ang pananaw ng mga bata kaya maiintindihan naman nila kung ipapaliwanag. Oo may sadyang makukulit. Pero magulang ka! Huwag mong asahang magiging madali ang pagpapalaki ng isang bata. 

Noong bata ako nagsimula ang takot ko na tumakbo hindi dahil sa sugat na idudulot nito... natatakot ako sa palo pag nakitang mayroon akong mga galos. Natatakot akong mapalo hindi dahil sa sakit ng sinturon. Natatakot ako dahil alam kong masasaktan na naman ang puso ko dahil para bang hindi nila ako kapamilya kung parusahan. Ang sakit lalo na kung mahal mo sa buhay ang gumagawa ng pagpaparusa. At hindi mo lalo ito matanggap dahil pinaparusahan ka nila dahil sa isang bagay na hindi mo naman sinadyang mangyari. Sino bang bata ang gustong madapa? Oo siguro kasalanan mo, tunakbo ka kasi eh. Pero masama ba iyon? Kasalanan ba iyon? Hindi ba iyon ang magtutro sa akin na maging palaban? Ang bawat dapa at sugat na matatamo ko doon, hindi ba't para sa akin din naman iyon?

Wala talaga akong maintindihan sa prosesong iyan na ginagawa ng mga magulang sa kanilang mga anak. Parang... hindi sila naging bata. Parang wala silang naunawaan at napagtanto noong mga bata pa sila. 


Isang walang kamuwang-muwang na bata... ipapamulat mo sa kanya ang isang mundong puno ng sakit. Ano sa tingin mo ang kahahantungan nya. Sa tingin mo magiging isang mabuti syang mamamayan gamit ang patpat na hawak mo? Sa tingin mo magiging matalinong bata sya kung parati mo syang kinukurot? Maiiwasan nya nga kayang makagawa ng pagkakamali dahil sinasabunutan mo sya at sinasampal? Magiging isang kaaya-ayang tao nga kaya sya dahil sa mga murang ibinabato mo sa kanya?

Ang sara sabihin nito ng malakas sa lahat ng mga magulang na kung tratuhin ang anak nila eh parang matanda na. BATA SILA! BATA!

Ang pinakamalalang pwedeng ibunga ng lahat ng pagmamalupit ay...


"Hindi man kamatayan ng kanilang katawan... baka puso naman nila ang napatay mo."

Tuesday, 5 April 2011

The Silent Shinobi

"She's the silent shinobi... the one who will sit at a corner and watch everyone."

"Silent Shinobi"... Kahapon ko lang nalaman dahil sa isang bagong kaibigan na ito pala ang turing sa akin ng mga nakakakilala sa akin sa Japanese Anime Room 1 o JA1. Hindi daw kasi ako masyadong nakikipag-usap. Hindi man lang daw ako nagha-"hi". Mas pinipili ko pa raw na manood na lang sa kanila kaysa sa i-share ang thoughts ko na totoo naman at hindi ko ikinakaila. 

Kahit noong mga unang araw ko sa JA1 ganoon na talaga ako. Kakaunti lang ang mga kinakausap ko. Si Lian, si Sai na lil bro ko, si Quin na hindi ko masyadong close na madali naman ding iapproach. 

Observer lang talaga ako sa JA1. Titingin sa usapan nila, tatawang mag-isa. Haha. Hindi ko rin kasi alam kung paano makikihalubilo. To know pa na hindi kami pareho ng kulturang kinasanayan. Kaya nanahimik ako. Kahit na pilit ng pilit yung mga kakilala ko na magsalita ako.

Kaya eto nga at binansagan nila akong "Silent Shinobi".

Sabi pa nga ni Kuya Ash kahapon "I'ts a shower from heaven that you talk".

Sa ngayon happy naman ako kasi dumadami ang mga kakilala ko. Napapractice ko rin ang english ko kapag kausap ko sila. Dugo nga lang ang ilong ko. Haha. xD

Reality Vs. Imagination


Nitong mga nakaraang taon, madalas kong nababalewala ang realidad upang mamuhay sa mundong nabuo dahil sa sariling kagustuhan ng tao, sa madaling salita… imahinasyon. Naulit ang pangyayaring ito ngayon. May isang bagay akong tinanggihan kapalit ng isang katahimikang matatamo ko sa aking silid na magdadala sa akin mundong nais ko. Hindi ko rin alam kung bakit hindi ko magawang makawala sa rehas ng imahinasyong minsan ay nadadala ko na rin sa realidad. Siguro dahil nagiging masaya ako sa pagbuo ng isang lugar kung saan ako ang nasusunod, walang makikialam, walang tama at mali, walang mga batas at walag limitasyon. Kabaliwan kung tutuusin at pwede ring maitulad sa adiksyon, pero kung ito ang magdudulot sa akin ng kaligayahan bakit hindi? Wala naman akong naaapektuhang mga tao, sarili ko lang naman ang kasangkot . Kung may maaapektuhan man, ako lang iyon.

Nakakapagtaka marahil kung paano ako nagging ganito. Ganoon talaga kapag lumaki kang mag-isa. Gagawa ka ng paraan, hahanap ka ng lugar upang maging masaya.

At ngayon, dahil hindi na ako makawala, maraming mga oportunidad na akong natanggihan. *sigh Oo medyo nakakapanghinayang, pero mas pinipili talaga ng isip ko ang silid ko. Kagustuhan ko iyon. Kagustuhan kong minsan ay iniisip ko kung kagustuhan ko nga ba. Minsan kasi hindi rin ako nagiging masaya. Pero kapag lumabas naman ako hindi rin maganda ang kinalalabasan. Nakakalito! Hindi ko alam saang panig ako pupunta. Ang alam ko lang, ngayong bakasyon kung wala akong makakausap na matino at walang aong anumang gagawin, malamang na balikan ko na naman ang mundong pilit ko ng iniiwan.

Wednesday, 16 March 2011

Mali Nga Lang Ba Ako?

May natuklasan ako nung isang araw. Isang bagay na hindi ko kaagad nalaman. Nakakainis! Naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ko na alam kung ano ba ang dapat kong isipin. Minsan pakiramdam ko binabalewala ako minsan naman pakiram ko importante ako. Ang gulo! Lalo na kapag hindi ko kaharap ung tao para malaman at makita sa kanya kung ano ang totoo. Para kasing minsan joke lang ang lahat, isang malaking biro. Kapag pinaniwalaan ko naman nadidisappoint ako. Hindi ko tuloy maiwasan na magdalawang-isip. Arrgghh... Ayokong sarili ko ang sisisihin ko sa huli. Sana nga hindi ako nagkamali. Sana nga tama na iton ang pinaniwalaan ko. Sana hindi ako magsisi..

Friday, 4 March 2011

Choi

Ngayon ko ibubunyag kung bakit kahapon eh buong gabi akong umiyak. Hindi ko mapigilan. Parang sirang gripo ang mga mata ko na tuloy-tuloy lang sa pagluha. Mababaw lang kung tutuusin ang dahilan, para sa iba. Pero para sa akin hindi ko 'to kaya. Ito ang kahinaan ko eh. May magagawa ba ako.

Habang tinatype ko 'to, sa maniwala ka o sa hindi umiiyak na naman ako. Partida katatapos ko lang umattend ng isang masayang coronation night. Arrgghh !! Bat ba may asong tumatahol. Stop it! Pinapalala mo lang ang kabaliwan ko!

Sige ikekwento ko na...

Kahapon kasi sa kalagitnaan ng isang masayang gabi. May binalita si mama. At eto mismo ang sinabi nya, "Be, wala na si Choi. Pinamigay na sya ng uncle mo. Sa Sabado daw eh kakatayin". What the-. Pumasok ako sa kwarto. Umupo sa kama at natulala. Tapos tumuloo ang aking mga luha. Ganun lang ako for 15 minutes. Nakita na ako ng mama ko. Pero deadma sya. Basta tinawag nya lang ako para maghapunan. Nakita din ako ng pinsan kong maliit at nagtanong sya kung balit daw ako umiiyak. Hindi ako nagsalita. Basta lumabas ako ng kwarto, kumain kahit na napapatakan na ng luha ang pagkain ako at nahihirapan akong ngumuya dahil sa paimpit na pag-iyak.Tinanong ako ni mama kun ano daw ba ang iniiyak ko. Iniiwasan ko ang tanong nya. Basta kumain na lang ako. Binilisan ko nga lang para makabalik agad ako sa kwarto. Pagkatapos nun. Balik ulit sa pag-iyak.

OA sasabihin mo. Pero... ang sakit kasi lalo na kapag hindi mo mapigilan ang isip mo na magplay ng mga flashbacks.

Last year. Kasagsagan ng eleksyon ng ibigay sa amin si Choi. 1 day old puppy pa lang sya nun. Tinanggap naman namin kasi ayaw naman naming iabandon ang isang puppy. So inalagaan namin sya. Ako dahil sa animal lover ako, na-enjoy ko ang pag-aalaga sa kanya. Ako ang nagtitimpla ng gatas nya, nagpapadede, nagpapatulog pa nga kung minsan. Gusto ko talaga si Choi. Kasi blessing sya from God. Dumating sya nung mga panahon na napakaboring ng buhay ko. Nagkaroon ako ng instant mapaglilibangan. Napakaarte kong tao, ayokong humahawak ng madumi, pero nung mga time na nagkalat ang pups ni Choi sa katawan nya, ako ang nagtyagang magpunas nun. Naalala ko pa nga nung pagkatapos ko syang punasan eh nilamig sya. Ako naman si T nataranta. Napakuha tuloy ako ng tela na ipambabalot sa kanya. Tapos yun natulog na sya. Ang cute. White puppy si Choi. Madalas syang natutulog sa lap ko. Isang tunay na baby talaga ang turing ko sa kanya. Gusto ko nga sa kwarto namin sya matulog kasi malamig sa lapag baka magkasakit sya. Pagkatapos ng ilang month ang laki na agad ni Choi. Lalong kumulit. Ang ligalig. Pero masaya ako na malaman na despite of the fact na lumaki syang mag-isa dahil wala nga sya sa piling ng kanyang nanay, masaya naman sya sa piling namin. Oo nga pala Choi ang pangalan nya kasi ang taba nya nung younger years nya. Choi kasi short for Tabachoy. Inimbento ko yan. Sinimulan syang itali nung medyo malaki na sya. Makulit na kasi. Ako, ayoko talaga ng ganun. Kasi feeling ko tinanggal sa kanya ang karapatan nyang maging malaya pag ganun. Pero anong magagawa ko. Nasusunod talaga ang matatanda. Kontrahin ko man sila at paulit-ulit na sabihin ang opinyon ko. kagustuhan pa rin nila ang masusunod. Still, naging masayahin si Choi. Everytime na lalapitan ko sya o ng kahit sinuman, dadambahan nya yun at lalaruin. Ang kulit sobra!! Nakakatuwa kasi ang saya-saya nya. Hindi katulad ko, sabi nga nila EMO.

Tapos ngayon sa ganito lang matatapos ang lahat? Bigla na lang syang mawawala. Kukunin. Tapos... Ang reason kaya sya ipinamigay eh dahil maingay? What the-? Ang reason lang naman kung bakit sya nag-ingay ay dahil... nalulungkot sya. Wala syang kasama sa bahay na pinaglagyan sa kanya. dati kasama nya doon ang pamilya ng uncle ko pero dahil sa lumipat ng mga ito naiwan sya doon. Mag-isa, walang kasama, sa madilim na bahay na walang buhay.

Itinuturing ko si Choi bilang tao, hindi bilang isang alaga lang o isang hayop. Para sa akin mahalaga ang buhay nya at mahalaga sya sa akin.

Wala akong magawa. Hindi sapat ang pag-iyak pero ito lang ang maiiaalaya ko sa kanya. Nasasaktan ako. Sobra! Hindi ito drama or what. Totoo 'to.

Bukas ang moment of truth. Ayokong isipin kung ano ang mangyayari pero kusa itong tumatakbo sa utak ko. Hindi ko kinakaya. Mahirap tanggapin.Hindi ko alam kung kailan ito tatagal. Dalawang araw, isang linggo, isang buwan, ewan. Ang alam ko lang sa ngayon eh nasasaktan ako. Mahal ko si Choi. Ayoko syang mawala. At higit lalong ayoko sa ganoong paraan katulad ng binabalak nila. NO WAY!

Oh God.. Alam ko pong nakakasawa na dahil paulit-ulit na po ako. Pero please, save his life. Wag nyo po syang pabayaan. Nagmamakaawa po ako. Ito lang po ang kaya kong gawin. Let him live.

Kung matutuloy man siguro ang mangyayari bukas kahit ayoko man... Pamamaalam ko na rin siguro ito. Masakit at mahirap man. Ganun talaga eh. Life is unfair! Magiging matibay ako. Pipilitin kong maging strong. Pero wala akong kakalimutan. Mananatili si Choi sa puso ko. At magmamarka ang sakit na dulot ng pagkawala nya.

Kaya nga ba ayokong umuwi kanina eh. Alam kong ito ang mangyayari, hahagulgol ako buong gabi hanggang sa makatulog. Tapos paggising ko bukas at maalala ko na naman 'to mauulit na naman. Ang sakit sa mata. Ang sakit sa dibdib. Choi...

Wednesday, 2 March 2011

Happy Now?

Gusto kong umiyak.
Pero bawal.
Ayokong maging mahina.
Lalo na kung aaksayahin ko ang mga luha ko sa taong tulad mo.
Hindi ka kawalan sa buhay ko.
Marami pa akong makikilalang bagong mga kaibigan na hindi katulad mo.
Makasarili ka.
Sabagay. May mga tao talagang nageexist na puro fun lang ang gusto.
Haha. Congrats! Nabiktima mo ko.
Party party!
Masaya ka na?
Ako din masaya.
Super!
Sa sobrang saya ko gusto kong ibato 'tong laptop sa mukha mo.
Galit ako sayo!
Galit na galit.
At wala ng 4th chance.
Wala na.


Dapat ng kalimutan ang lahat.
Dahil walang patutunguhan.
Imahinasyon ko lang na close tayo.

Ouch

Oo.
OA.
Wala kasi akong ibang masabi.
Hindi ko alam kung anong salita.
Hindi ko alam kung paano sasabihin.
Nanginginig ang kamay ko.
At hindi ko rin alam kung bakit.
Ang hirap huminga.
Ang hirap ipiilit na wala akong nabasa at nakita.
Ang sakit.
Ikaw pa naman ang sa lahat ng kaibigan ko.
Ang isa sa mga pinagkakatiwalaan ko.
Kahit na... hindi dapat.
Bakit ka ganyan?
Ganito mo ba talaga gustong paglaruan ang mga tao sa paligid mo?
Sa lahat ng nakagawa ng pagkakamali sa akin.
Ikaw ang paulit-ulit kong pinatawad.
Kasi...


Tama.
Baka ako nga ang nagkamali.
Sino nga ba naman ang dapat magtiwala sayo.
Hindi talaga kita kilala.
First Impression?
Di dapat ako nagtiwala dun.
Hindi dapat ako naniwala at nagtiwala sayo.
Dapat noon pa lang nakinig na ako sa isang bahagi ng utak ko.
Mali siguro na nagbigay pa ako ng 2nd at 3rd chance.

Ouch!
Noon ang saya-saya ko ng makakilala ako ng bagong kaibigan.
Ngayon.
Pinagsisisihan kong nakilala kita.
Iniisip ko tuloy.
Iyon kayang ibang taong pinakilala mo sa akin ganun din?

Dapat pa nga ba akong magtiwala?
Parating ganito di pa ako natuto.
Ayoko naman kasing isara ang puso ko para sa ibang tao.

Kung ano man ang plano ni God.
Bahala na.
Kaya ko 'to.
Im strong!
I believe so.