Saturday, 16 April 2011

Cry Of A Child

“Mas madaling maghilom ang sugat sa balat totoo iyon, meron kasing mga cells na tumutulong para magsara ito at gumaling. May mga gamot din na pwedeng makatulong para hindi na ito lumala. Pero iba ang sugat sa puso. Wala mang marka o pagdurugong makikita, kahit na inakala mong magaling na, hindi mo alam meron pa pala..."


Matagal ko ng plano na isulat ang blog na ito. Pero nag-aalala ako. Baka kasi hindi maging patas ang opinyong ilalahad ko dito. Pero nakapagdesisyon na ako. Hindi dapat itinatago ang ideyang ito. Malay ko ba. Baka makaimpluwensya 'to sa iba.

Narinig ko na naman si Faith na umiiyak kanina. Malamang pinalo na naman iyon ng papa nya, ng papa nya na wala ng ibang ginawa, oras-oras na lang pinapagalitan ang mga anak. Naiinis ako! Paulit-ulit na ako sa pagsasabi na hindi magandang parating pinapagalitan ang isang bata. Dahil iba ang nagiging epekto nito sa kanya. Alam ko dahil napagdaanan ko.

Lumaki din ako sa palo, sinturon, patpat, tubo, pamaypay, kamay, payong, lahat na ng maisip mong pwedeng ipangpalo natikman ko ang hagupit nun. Sa puwet, sa kamay, hita, o sige buong katawan na. Kaunting kibot, kaunting pagkakamali mapapagalitan ka na parang wala ka ng tamang ginawa. Hanggang ngayon naaalala ko pa ang sa umpisa ay lima na madadagdagan ng lima pang palo sa bawat pagkakamali. Kaya bawal magkamali kung ayaw mong masaktan. Tumahimik ka lang sa isang tabi at sundin ang sinasabi nila dahil matanda sila at BATA KA. KAPAG LUMABAN KA TALO KA DAHIL MAS MALAKI SILA. Hindi ko sinasabing tama ang lumaban sa matatanda ang sinasabi ko lang minsan wala naman talagang pagkakamali, bakit may parusa at bakit hindi ka makaalma? 

Hindi aral ang itinuturo ng pamalo sa mga bata bagkus TAKOT AT LUNGKOT ANG INIIWAN NITONG MARKA. Hindi ba iyon naiisip ng ibang mga magulang? Para saan pa at ginawa ang salita kung ang parati nilang ihaharap ay mga kahoy at pamalo na ang sarap ihampas sa kanila ng matauhan sila! Pwede namang daanin ang lahat sa salita. Mababaw pa ang pananaw ng mga bata kaya maiintindihan naman nila kung ipapaliwanag. Oo may sadyang makukulit. Pero magulang ka! Huwag mong asahang magiging madali ang pagpapalaki ng isang bata. 

Noong bata ako nagsimula ang takot ko na tumakbo hindi dahil sa sugat na idudulot nito... natatakot ako sa palo pag nakitang mayroon akong mga galos. Natatakot akong mapalo hindi dahil sa sakit ng sinturon. Natatakot ako dahil alam kong masasaktan na naman ang puso ko dahil para bang hindi nila ako kapamilya kung parusahan. Ang sakit lalo na kung mahal mo sa buhay ang gumagawa ng pagpaparusa. At hindi mo lalo ito matanggap dahil pinaparusahan ka nila dahil sa isang bagay na hindi mo naman sinadyang mangyari. Sino bang bata ang gustong madapa? Oo siguro kasalanan mo, tunakbo ka kasi eh. Pero masama ba iyon? Kasalanan ba iyon? Hindi ba iyon ang magtutro sa akin na maging palaban? Ang bawat dapa at sugat na matatamo ko doon, hindi ba't para sa akin din naman iyon?

Wala talaga akong maintindihan sa prosesong iyan na ginagawa ng mga magulang sa kanilang mga anak. Parang... hindi sila naging bata. Parang wala silang naunawaan at napagtanto noong mga bata pa sila. 


Isang walang kamuwang-muwang na bata... ipapamulat mo sa kanya ang isang mundong puno ng sakit. Ano sa tingin mo ang kahahantungan nya. Sa tingin mo magiging isang mabuti syang mamamayan gamit ang patpat na hawak mo? Sa tingin mo magiging matalinong bata sya kung parati mo syang kinukurot? Maiiwasan nya nga kayang makagawa ng pagkakamali dahil sinasabunutan mo sya at sinasampal? Magiging isang kaaya-ayang tao nga kaya sya dahil sa mga murang ibinabato mo sa kanya?

Ang sara sabihin nito ng malakas sa lahat ng mga magulang na kung tratuhin ang anak nila eh parang matanda na. BATA SILA! BATA!

Ang pinakamalalang pwedeng ibunga ng lahat ng pagmamalupit ay...


"Hindi man kamatayan ng kanilang katawan... baka puso naman nila ang napatay mo."

Tuesday, 5 April 2011

The Silent Shinobi

"She's the silent shinobi... the one who will sit at a corner and watch everyone."

"Silent Shinobi"... Kahapon ko lang nalaman dahil sa isang bagong kaibigan na ito pala ang turing sa akin ng mga nakakakilala sa akin sa Japanese Anime Room 1 o JA1. Hindi daw kasi ako masyadong nakikipag-usap. Hindi man lang daw ako nagha-"hi". Mas pinipili ko pa raw na manood na lang sa kanila kaysa sa i-share ang thoughts ko na totoo naman at hindi ko ikinakaila. 

Kahit noong mga unang araw ko sa JA1 ganoon na talaga ako. Kakaunti lang ang mga kinakausap ko. Si Lian, si Sai na lil bro ko, si Quin na hindi ko masyadong close na madali naman ding iapproach. 

Observer lang talaga ako sa JA1. Titingin sa usapan nila, tatawang mag-isa. Haha. Hindi ko rin kasi alam kung paano makikihalubilo. To know pa na hindi kami pareho ng kulturang kinasanayan. Kaya nanahimik ako. Kahit na pilit ng pilit yung mga kakilala ko na magsalita ako.

Kaya eto nga at binansagan nila akong "Silent Shinobi".

Sabi pa nga ni Kuya Ash kahapon "I'ts a shower from heaven that you talk".

Sa ngayon happy naman ako kasi dumadami ang mga kakilala ko. Napapractice ko rin ang english ko kapag kausap ko sila. Dugo nga lang ang ilong ko. Haha. xD

Reality Vs. Imagination


Nitong mga nakaraang taon, madalas kong nababalewala ang realidad upang mamuhay sa mundong nabuo dahil sa sariling kagustuhan ng tao, sa madaling salita… imahinasyon. Naulit ang pangyayaring ito ngayon. May isang bagay akong tinanggihan kapalit ng isang katahimikang matatamo ko sa aking silid na magdadala sa akin mundong nais ko. Hindi ko rin alam kung bakit hindi ko magawang makawala sa rehas ng imahinasyong minsan ay nadadala ko na rin sa realidad. Siguro dahil nagiging masaya ako sa pagbuo ng isang lugar kung saan ako ang nasusunod, walang makikialam, walang tama at mali, walang mga batas at walag limitasyon. Kabaliwan kung tutuusin at pwede ring maitulad sa adiksyon, pero kung ito ang magdudulot sa akin ng kaligayahan bakit hindi? Wala naman akong naaapektuhang mga tao, sarili ko lang naman ang kasangkot . Kung may maaapektuhan man, ako lang iyon.

Nakakapagtaka marahil kung paano ako nagging ganito. Ganoon talaga kapag lumaki kang mag-isa. Gagawa ka ng paraan, hahanap ka ng lugar upang maging masaya.

At ngayon, dahil hindi na ako makawala, maraming mga oportunidad na akong natanggihan. *sigh Oo medyo nakakapanghinayang, pero mas pinipili talaga ng isip ko ang silid ko. Kagustuhan ko iyon. Kagustuhan kong minsan ay iniisip ko kung kagustuhan ko nga ba. Minsan kasi hindi rin ako nagiging masaya. Pero kapag lumabas naman ako hindi rin maganda ang kinalalabasan. Nakakalito! Hindi ko alam saang panig ako pupunta. Ang alam ko lang, ngayong bakasyon kung wala akong makakausap na matino at walang aong anumang gagawin, malamang na balikan ko na naman ang mundong pilit ko ng iniiwan.